13th Sunday of Ordinary Time Cycle B
St. Peter’s Pence Sunday
Wis 1:13-15; 2:23-24 2 Cor 8:7. 8. 13-15 Mk 5:21-43
Napakaraming kasamaan ang nababalitaan natin at nararanasan – pag-aaway, karamdaman, bisyo, at marami pa. Ang pinakamasama na iniiwasan natin pero madalas na nangyayari at sinasadya pang gawin ay ang kamatayan. Ang Magandang Balita sa atin na narinig natin sa Aklat ng Karunungan sa unang pagbasa ay: “Ang kamatayan ay hindi likha ng Diyos; ang kamatayan ng alinmang may buhay ay hindi niya ikinalulugod… Lahat ng nilalang niya ay mabuti at mahusay… ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi para maging larawan niyang buhay.”
Kung ganoon nga, saan pala nanggaling ang kamatayan? Narinig natin: “Dahil sa pakana ng diyablo nakapasok ang kamatayan at ito ang kinahinatnan ng mga nasa ilalim ng diyablo.” Ito ang kaligtasan, inagaw na tayo sa kuko ng kamatayan. Kaya nga dumating si Jesus, ang anak ng Diyos na naging tao. Namatay siya upang tayo ay mabuhay. Wala ng kapangyarihan sa atin ang kamatayan.
Pero kung niligtas tayo ni Jesus sa kamatayan, bakit namamatay pa tayo kahit na tayo ay naniniwala at sumusunod sa kanya? Ang tagumpay ni Jesus sa kamatayan ay hindi sa pagtanggal ng kamatayan. Nandiyan pa rin ito at dadaan pa rin tayo sa kamatayan pero hindi na ito ang huling salita. Kaya hindi dapat tayo matakot sa kamatayan. Malalampasan natin ito. Para sa mga walang pananampalataya kapag namatay ang isang tao, wala na silang pag-asa, wala na silang magagawa kasi patay na siya. Tapos na ang buhay niya. Hindi iyan totoo kay Jesus. May kapangyarihan siya na bumubuhay sa atin mula sa kamatayan. May pag-asa pa rin sa harap ng kamatayan, kasi may buhay pa sa kabila ng kamatayan.
Pinatunayan ito ni Jesus sa ating ebanghelyo ngayong araw. May dalawang sitwasyon na wala ng pag-asa. Ang isang babae ay labingdalawang taon na may karamdaman. Dinudugo siya at ginawa na niya ang lahat ng magagawa niya; pumunta na siya sa maraming doctor. Hindi naman bumuti ang kalagayan niya, lumala pa nga. Pero hindi siya nawalan ng pag-asa kasi may pananampalataya siya. Nanalig siya kay Jesus. Aniya: “Mahipo ko lang ang kanyang damit ay gagaling na ako.” Ganyan nga ang nangyari. Kahit hindi siya kilala ni Jesus at hindi alam ni Jesus kung sino siya at ano ang balak niya, naramdaman ni Jesus na may humipo sa kanya na kakaiba kaysa paghipo ng mga taong dumadagsa sa kanya. May kapangyarihang lumabas sa kanya. Noong ipinagtapat ng babae na nanginginig sa takot at sa saya kasi naramdaman niya na gumaling na siya, sinabi ni Jesus sa kanya: “Pinagaling ka ng iyong pananalig sa akin.” Ang kanyang pananampalataya kay Jesus ay nagdala sa kanya ng pag-asa, at hindi siya binigo ng kanyang pananalig. Gumaling siya!
Ganoon din ang nangyari sa isang dalagita na labingdalawang taong gulang pa lang. Paglapit ng kanyang tatay kay Jesus nag-aagaw buhay siya. Ang tatay ay si Jairo. Siya ay tagapamahala ng sinagoga, na ang ibig sabihin, isang taong may katungkulan at siguro may kaya. Maaaring lumapit na rin siya sa maraming tao para sa kanyang anak na babae pero wala silang magawa, kaya kay Jesus na siya lumapit. Pero hindi umabot si Jesus sa bahay niya. Namatay ang bata habang paparoon si Jesus. Patay na siya, wala ng magagawa si Jesus, iyon ang akala ng pinadala upang ibalita ito kay Jairo. Huwag nang abalahin ang Guro. Wala na siyang magagawa. Wala na nga ba? Pinatatag ni Jesus ang loob ng tatay na malungkot: “Huwag kang mabagabag, manalig ka!” Ang nagpapatatag sa atin kahit na sa sitwasyon na walang pag-asa ay ang pananampalataya. At nangyari ang hindi inaasahan. Nabuhay uli ang batang patay na. Sinabi ni Jesus: “Talita kumi. Ineng, sinasabi ko sa iyo, magbangon ka!” at tumayo ang bata.
Walang imposible sa Diyos. Hindi na huling salita ang kamatayan kasi may kapangyarihan si Jesus sa kamatayan. Binuhay ni Jesus ang dalagitang anak ni Jairo, binuhay niya ang anak ng isang balo sa bayan ng Nain, binuhay niya ang kaibigan niyang si Lazaro. Ang mga ito ay pahiwatig na may kapangyarihan siya sa kamatay. Pero ang tunay na patotoo ng ganitong kapangyarihan ay siya mismo ay muling nabuhay. Hindi lang siya bumalik sa dating buhay. Siya ay nagkaroon ng bagong buhay. Ang dalagita, ang anak na lalaki ng balo sa Nain at si Lazaro ay bumalik lang sa dating buhay nila. Namatay uli sila. Iba ang muling pagkabuhay ni Jesus, at iyan ang muling pagkabuhay na mapapasaatin. Ibang klaseng buhay na ito. Hindi na tayo mamamatay muli. Ito ay buhay na puno ng kaligayahan at ng pag-ibig. Pakikiisa na ito sa buhay ng Diyos. Ito ang balak ng Diyos sa tao, hindi itong buhay natin ngayon na magwawakas. Oo, mga kapatid. May forever, at iyan ay para sa atin!
Dahil dito huwag tayo mawalan ng pag-asa sa harap ng anumang kasamaan, kahit na sa kamatayan. Kaya nga hindi tayo useless sa harap ng kasamaan. Sugpuin natin ito, talunin natin ito. Harapin natin ang kasinungalingan, matatalo natin ito. Harapin natin ang bisyo, mapagtatagumpayan natin ito. Harapin na ang kahirapan, malalampasan din natin ito. Ngayon, harapin natin ang Tsina. Huwag tayo magpa-bully sa kanila. Kahit na malaki sila, igalang dapat nila ang ating karapatan. Hindi lang naman giyera o pagwalang bahala ang choices natin. Maaari ring makipag-negotiate, pero huwag lang magpa-bully.
Noong panahon ni Pablo mayroong dumating na matinding taggutom sa Judea. Papunta doon si Pablo kaya nagpasabi siya sa mga Christian communities sa Europa at sa Asia na magbigay sila upang tulungan ang mga Kristiyano sa Palestina. Sa ating ikalawang pagbasa narinig natin ang panghihikayat niya sa mga Kristiyano sa Corinto. Kilala sila sa kanilang pananampalataya, sa kanilang kasipagan at sa kanilang kaalaman. Sana maging kilala din sila sa pagkawanggawa sa nangangailangan. Masagana sila ngayon, nararapat man lang na tumulong sila sa nangangailangan. Bilang mga Kristiyano magtulungan tayo at sa ganitong paraan nagbibigay tayo ng pag-asa sa mga nawawalan na ng pag-asa. Ang pagkawanggawa ay ang pagdugtong ng pag-asa sa mga nasa kahirapan.
Ngayong Linggo ay kilalang St. Peter’s Pence Sunday. May second collection sa mga simbahang Katoliko sa buong mundo ngayong Linggo. Ang malilikom na pera ay ipadadala sa Roma upang may maibigay ang Santo Papa para sa mga nangangailangan sa anumang panig ng daigdig. Nakinabang din tayo sa Peter Pence collection pagkatapos ng bagyong Odette. Nakatanggap ng banca ang mga isang daang mangingisda natin na nasiraan ng banca. Humingi tayo ng tulong at tinulungan tayo ng Santo Papa sa pamamagitan ng Papal Almoner. Talagang nagtutulungan ang mga Katoliko. Nagbibigay tayo ng pag-asa sa pamamagitan ng ating mga contributions sa udyok ng pananampalataya at pag-ibig.